|
|
 |
August 1, 2008
LIGALIGIN NATIN
BY JUN MALIGALIG
Walang aasahang glorya
SA ika-walong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Arroyo suki ay
mapapansin ang magagandang accomplishments na kanyang binibigkas sa panahon ng
kanyang panunungkulan. Matalino, magaling na lider at ang karisma na ito ang
dahilan kung bakit hanggang sa ngayon ay hindi pa rin siya mabitawan ni Uncle
Sam.
Hindi na manhid si Juan de la Cruz sa nangyayari sa ating kapaligiran suki. Kung
ano man ang magaganda at makabuluhang salita na binitawan ni PGMA sa kanyang
SONA ay tanging si Juan de la Cruz lamang ang makapagsasabi kung totoo o puno ng
kaplastikan ang bawat litanya na kanyang binigkas sa harap ng libo-libong
hinatak na kaalyado sa loob ng plenaryo.
Ang napabalitang ginastos na halagang Php 90M para pagandahin ang loob ng House
of Representatives para sa SONA ni Ate Glo ay nakapagpataas ng kilay ng ilang
kritiko ng administrasyon. Napakalaking halaga kung tutuusin para pakainin ang
mga nagugutom na masa.
Natatandaan ko pa suki ang mga binitawang salita ni Ate Glo sa kanyang SONA
noong nakaraang 2001. Kahit may halong pagdududa ay ninais ng inyong lingkod na
ipokus ang pakikinig sa isang litanya na nakapagpakislot ng aking dibdib. Noong
sabihin ni PGMA na bababa ang korupsyon sa gobyerno at mas palalawigin ang
industriya ng agrikultura, analisa ng inyong lingkod na siya na siguro ang lider
na hinihintay natin para maisalba ang kahirapan ng naghihingalo nating bansa.
Taliwas sa inaasahan ng sambayanang Filipino, nakita na natin suki ang pruweba
sa pamunuan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Paano matutupad ang sinasabi niyang palalawigin ang industriya ng agrikultura?
Nasaan na suki ang nawawala na mahigit sa Php 700M na fertilizer fund scam na
dapat sana ay pakikinabangan ng ating mahihirap na magsasaka. Kalokohan suki na
itanggi ito ng palasyo dahil kitang-kita ang ebidensya na pagtatago na animo
isang daga ni dating Agriculture Undersecretary Jocelyn “Joc-Joc†Bolante sa
lungga ng mga puting dayuhan.
Paano din ipaliliwanag ni PGMA ang sinasabi niya noon na bababa ang kurapsyon sa
pamahalaan samantalang dawit ang kanyang malalapit na kaalyado at kamag-anak sa
maanomalyang kontrata ng administrasyon at tsekwang kompanya na ZTE Corporation
tungkol sa National Broadband Network (NBN) project.
Napatigil ang maanomalyang proyektong ito suki ng parang bombang sumambulat ang
isyu ng malaking suhulan at overpricing na kinasasangkutan nina dating Comelec
Chairman Benjamin Abalos at ng asawa ni Pangulong Arroyo na si First Gentleman
Mike Arroyo.
Dapat binanggit ni PGMA sa kanyang SONA na isa sa dahilan kung bakit tayo
kinakapos ngayon ng supply ng bigas ay dahil sa matinding kurapsyon sa kanyang
pamunuan. Kung hindi sana ninakaw suki ng mga tulisan sa ating pamahalaan ang
fertilizer fund ay ito sana suki ang magbibigay ng pondo para ibili ng abono o
pataba ng mga magsasaka para gamitin sa pagpapalakas ng ani ng palay. Hindi sana
tayo kakapusin ng bigas at maaari na hindi na binigkas ni Aling Gloria sa
kanyang nakaraang SONA na panahon pa daw ng kastila ay naaangkat na tayo ng
bigas sa ibang bansa.
Ano ang resulta suki? Sa halip na lumaki o lumakas ang ani ng palay ay parang
pila sa pagtaya sa Lotto ang nangyayari ngayon sa ating mahihirap na kababayan.
Ang NFA rice na pinakamurang bigas sa merkado ay pinipilahan na ngayon ng masa
para lamang may pagsaluhan sila sa hapag-kainan.
Kung may sapat na ani ng palay ay hindi magugutom ang ating mga kababayan kahit
sabihin pa na damay ang ating bansa sa global crisis.
Sa naganap na SONA ay inabot daw ng 106 na palakpak mula sa hakot na kaalyado ng
palasyo ang mga salitang nagbigay inspirasyon para makumpleto ang araw ng
pangulo.
Humaba lalo ang palakpakan ng banggitin ni PGMA na gagawin na lamang 50 sentimos
ang halaga ng text o short message service (SMS) mula sa piso. Alam naman ninyo
suki, isa sa magandang libangan ngayon ng mga pinoy ay ang mag-text at ang
Pilipinas ay napaulat na itinuring bilang text capital of the world. Tinatayang
nasa 400 milyong text ang ibinabato ng mga pinoy kada araw, sino nga ba naman
ang hindi matutuwa sa sinabi ni Ate Glo?
Ang hindi alam ng nakararaming masa, pansamantala lamang ang kagalakan na
kanilang madarama sa pambobola ni Ate Glo. Promo lamang pala ng mga
telecommunication company ang 50 sentimos na binabanggit ni PGMA sa kanyang SONA
at magsisimula ito ngayong buwang ito ng Agosto hanggang sa darating na buwan ng
Oktubre....he he he...
Ipinaliwanag din ni PGMA ang kahalagahan ng Value Added Tax (VAT) sa langis at
kuryente kaya hindi niya ito matanggal. Kung aalisin daw kasi suki ang VAT ay
mawawala ang Php 80 Bilyon para sa mahihirap.
oOo
Masarap pakinggan ang mga litanyang binibitiwan ni Pangulong Arroyo sa kanyang
SONA, ngunit lahat ng ito ay burado sa pananaw ng masa. Patuloy ang pagtaas ng
bilihin at langis, kakarampot ang sahod ng manggagawa ngunit ang pangunahing
bilihin para sa kanilang hapag-kainan ay patuloy din ang pagsirit ng presyo.
Madami ang nagugutom dahil sa kakulangan ng hanapbuhay at dahil dito ay tumataas
ang krimen.
Kung kailan magkakameron ng pagbabago sa ating sistema ay hindi ko alam suki.
Parang suntok sa buwan ang ating pakikipagsapalaran sa isang gobyerno na pulos
katiwalian at kasinungalingan.
Habang lahat ng nakaluklok sa pamahalaan ay hindi magkakameron ng tunay na
pagkatakot sa Diyos, siguradong walang mangyayari dahil ang mamamayani pa rin sa
kanilang mga puso ay pag-iimbot sa kapwa at pansariling interes para sa kanilang
kagalingan.
oOo
Maraming isyu na dapat kalampagin sa lalawigan ng Cavite. Nagkalat ang mga
kolorum na pampasaherong bus at mini-bus suki. Sa katunayan, malakas ang loob ng
mga ito dahil protektado daw ito ng mga buwaya sa katihan mula sa hanay ng
tiwaling namumuno sa LTFRB, LTO at Cavite Traffic Management Office o CTMO. Sa
Katunayan suki, isang bus driver ang inireklamo ng inyong lingkod kamakailan
dahil sa pagmamaneho nito ng walang pakundangan. Sinagasaan ng abusadong bus
driver ng Safeway Liner na may plakang DXB-746 ang nakaimbak na tubig sa gilid
ng kalye sanhi ng malakas na pag-ulan. Dahil dito, natilamsikan ng tubig-baha at
putik ang mga inosenteng nag-aabang ng masasakyan sa isang waiting shed sa lugar
ng Aguinaldo Highway malapit sa Robinson's Mall sa bayan ng Imus, Cavite. Dahil
isa ang inyong lingkod sa biktima ng hinayupak na bus driver, agaran nating
tinawagan ang tanggapan ng CTMO para ireklamo ang abusadong bus driver.
Dagliang umaksyon ang grupo ng CTMO at ipinaalarma sa pamamagitan ng kanilang
mga radio ang nasabing bus, hinarang ng mga traffic enforcer ang inirereklamong
bus driver na may biyahe papuntang Baclaran ngunit sa halip na huminto ay
sinagasaan pa nito ang mga CTMO traffic enforcers na muntik ng madisgrasya dahil
sa kapalaluan ng aroganteng bus driver. Ayon sa deputy ng CTMO, nakikikabit lang
daw ng linya ang nasabing bus company. Hindi na daw bumalik ang bus galing
Manila kaya hindi na nila ito nahuli. Mahirap talagang arestuhin suki kapag may
nasa likod na mahilig sa cash-sunduan. Ito ang ating bubusisiin sa mga susunod
na isyu suki. Hawak ng inyong lingkod ang listahan ng mga plate nos. ng kolorum
na bus at mini-bus na pumapasada sa lalawigan ng Cavite mula Zapote at Baclaran.
Magkano kaya suki ang lingguhang abuloy na inihahatag ng mga ito sa mga buwayang
naglipana sa katihan? Abangan....
oOo
Kung may reaksyon, reklamo o suhestiyon...text lamang po kayo sa
0906-5582848 o magpadala ng mensahe sa E-mail address ng inyong lingkod sa
junmaligalig@yahoo.com. Trabaho po lamang at walang personalan.
Other Stories
|